"A blog is a personal diary. A daily pulpit. A collaborative space. A political soapbox. A breaking-news outlet. A collection of links. Your own private thoughts. Memos to the world." - Anonymous

Tuesday, January 10, 2012

Kwentong Kababalaghan

Basa ang damo sa Oblation grounds dahil sa katatapos lamang na ulan. Sa paglabas ng araw na ikinubli ng mga kulay-abong ulap ay siya ring paglabas ng tatlumpung hubo’t hubad na mga binata mula isang sikat na fraternity sa UPLB. May uling ang mga katawan, may suot na maskara sa mga mukha, at may hawak na mga rosas at placard sa kanilang kamay. Hindi naman lubos maitago ng mga manonood ang pananabik na makita ang mga katawang ito.

Para kay Ruth, isa ito sa mga espesyal na araw sa buhay nila ni Ron. Tahimik lamang siya sa gitna ng madla habang sinusundan ng tingin ang tumatakbong kasintahan. Naalala niya ang napakatindi at paulit-ulit nilang pagtatalik noong nakaraang gabi. Napakagat labi siya. Gusto niya ulit matikman ang bibig ng kasintahan, hawakan ang matigas na ari nito, at sariwain ang malibog na tingin nito sa kanya.

“Hoy!” tinapik siya ng malakas ni Carla, ang kanyang matalik na kaibigan. Abala ito sa pagpunas ng pawis sa kanyang noo at sa pagpapaypay sa sarili.

Umiling si Ruth at nakita niyang patungo si Ron sa kanyang direksyon. Hinawi niya ang kanyang bangs at binasa ang labi ng sariling laway. Isang napakatingkad na pulang rosas ang iniabot sa kanya ng kasintahan. Wala itong sinabi at bumalik sa pagtakbo. Ngunit bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa wala na siyang marinig. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na init. Nakita niyang papunta ulit sa kanyang direksyon si Ron. “Ililigtas niya ako,” sigaw ng kanyang isip. “Hindi,” tila may bumulong sa hangin. Ngayon ay may dalang isang palumpon ng rosas ang kasintahan, ngunit ibinigay ito ng binata kay Carla at pagkatapos ay hinalikan sa labi. Nagdilim ang lahat. Nawalan siya ng malay.

Paggising niya ay nasa dormitoryo pa pala siya. Basang-basa ang kanyang damit pantulog sa kanyang ihi at pawis. Nanlamig siya sa hiya sa sarili. Inabot niya ang cellphone sa ilalim ng kanyang unan. 2 new messages.

“Saan ka nagpunta? Nawala ka bigla kanina. Alam mo na ba? Sana’y mapatawad mo ako.” Mensahe mula kay Carla. 12:30 ng tanghali. Parehong araw.

“Hindi kita nakita kanina. May dapat kang malaman.” Mensahe mula kay Ron. 12:45 ng tanghali. Parehong araw.
         
Tik. Tak. Tik. Tak. … Tumingin siya sa orasan na nakasabit sa pader ng dormitoryo. 12:00 ng tanghali. Parehong araw. 

[Ang kwentong kababalaghan na ito ay isang requirement sa sabjek na FIL150 at unang isinumite rito.]

No comments:

Post a Comment